Ranao, Magsayawan tayo!
Ang sayaw ay pangkalahatang tumutukoy sa lahat ng galaw ng tao na ginagamit bilang isang anyo ng pagpapahayag ng saloobin o tinatanghal sa isang tagpuang panlipunan, espirituwal, at pangganap. Ginagamit din ang sayaw upang isalarawan ang pamamaraan ng komunikasyong di pasalita sa pagitan ng mga tao o hayop (sayaw ng mga bubuyog, sayaw ng pagtatalik), paggalaw ng mga di natitinag na bagay (sumayaw ang mga dahon sa hangin), at mga anyong pangmusika. Tinatawag na mga mananayaw ang mga taong sumasayaw, maging bata man o may edad. Maaari ring tawagin na sayaw ang isang pangyayari na ginaganap ang pagsayaw.
Sa katutubong sayaw, ito’y may kahulugan. Maaaring pagpapasalamat sa mga biyayang dumating, pagpapasalamat sa magandang ani, o kaya’y pasasalamat sa pabor na naibigay ng Maykapal. Sinasayaw rin nila ito para sa isang ritwal at ito’y kanilang inaalay sa mga Santo noong unang panahon. Sa nasabing sayaw rin makikita ang mga karakteristik ng isang Pilipina, dahil dito lumalabas ang ating pagka-Pinoy sapagkat ang mga kilos at galaw ay Pinoy na Pinoy.
Kazingkil
Ang Singkil ay isang tanyag na sayaw na tinatanghal tuwing may pagdiriwang at mga kapistahan. Itinatanghal ng kadalasang pambabaeng sayaw lamang, ang Singkil ay nagsisilbi bilang isang patalastas sa kanyang magiging manliligaw o sa kanyang mapapangasawa. Marikit na humahakbang paloob at palabas ang babaeng mananayaw sa nagbabanggaang mga kawayan na nakaayos na nakahanay, o nakakrus habang ginagamit ang kanyang apir (pamaypay), mosala (panyo), o kahit ang kanyang kamay lang.
Kapagaper
Sayaw ng mga kababaihang Meranao na ginagamitan ng ‘apir’ sa dalawang magkabilang kamay habang sinasabayan ang tugtog ng kulintang o di kaya’y agong. Maaari itong gawin ng isahan, dalawahan o pangkatan. May bilang na sinusunod ang bawat galaw ng kamay paitaas o paibaba naman. Kung ang kanang kamay ay nasa itaas pakaliwa dapat ang kanang paa ay nakahakbang sa kanang bahagi at kung ang kamay ay nasa paibabang kanang direksyon dapat ang paa ay pasulong na direksyon.Ang posisyon naman ng katawan ay kinakailangang laging nakatihaya.
Ang aper na ginagamit ay karaniwang kulay dilaw na pinalamutian ng mga iba’t ibang kulay ng ‘beds’.Nasa katamtamang bilis naman ang musikang ginagamit dito.
Kazadoratan
Ang kazadoratan ay isa ring katutubong sayaw na ginagamitan din ng ‘aper’ subalit ito’y pawang nasa marahan na pagkilos,Maaari itong itanghal na walang aliw na musika. Ang galaw ng katawan, kamay at ang paa ay kasingtulad din sa pagsayaw ng ‘kapagaper’ subalit mas binibigyang diin dito ay kung paano kumilos ang tagaganap.Ang sayaw na ito ay maaaring sabayan ng panananroon o salawikain.Bawat tigil ng mananayaw sa pagkilos ay nagbibigay siya ng salawikain tungkol sa okasyong ginaganap sa mga panahon na yaon.
Kazagayan
Ang kazagayan ay sayaw ng dalawang magigiting na manliligaw ng isang dalagang Meranao. Nagtatagisan ng galing ang mga kalalakihan sa pamaamagitan ng ‘kazagayan’. Ito ay ginagamitan ng ‘kampilan’ at kelong’ na may mga nakasabit na tumutunog na mga bagay .Mas malakas ang tunog mas maigi. Ipinapakita sa sayaw na handa nilang ibuwis ang kanilang mga buhay alang-alang sa minamahal.Ang kumpas ng mga kamay at paa ay nasa malalakas at matitigas na pamamaraan na kung saan ito’y nagpapakita rin na sila’y mga lalaking matatapang at malalakas ang loob.Ito ay itinatanghal mismo sa harap ng dalaga at ang kanyang mga magulang.Minsan tunitigil ang lalake upang magbitiw din ng mga salita sa pamamagitan ng salawikain.Ang kulay naman na ginagamit sa kampilan at kelong ay karaniwang kulay dilaw din na somisimbolo sa isang dugong-bughaw.Ang mga tagaganap ay nakasuot ng kamison at malong habang sila ay nakapaa.
RANAO STAR